Ang buod ng kasaysayan ng Banaag at Sikat ay lumiligid sa mga adhikain at paninindigan ng dalawang magkaibigang sina Felipe at Delfin. Si Felipe ay anak ng isang mayamang presidente ng isang bayan sa Silangan. Dahil sa kanyang pagkamuhi sa mga paraan ng pagpapayaman ng kanyang ama at sa kalupitan nito sa mga maralitang kasama sa bukid at sa mga utusan sa bahay ay tinalikdan niya ang kanilang kayamanan, pumasok na manggagawa sa isang palimbagan, at nanligaw sa isang maralita ngunit marangal na dalaga, si Tentay. Samantala, siya’y nakatira sa isang bahay ng amang-kumpil na si Don Ramon sa Maynila. Ang mga paraan ni Don Ramon sa pagpapayaman, ang kanyang mababang pagtingin sa mahihirap at ang pag-api niya sa mga pinamumunuan ay nakapagpalubha sa pagkamuhi ni Felipe sa lahat ng mayayaman at nagpapatibay sa kanyang pagiging anarkista.
Pinangarap niya ang araw na mawawala ang mga hari, punumbayan at alagad ng batas, ang lahat ng tao’y magkakapantay-pantay at magtatamasa ng lubos na kalayuan at patas na ginhawa sa buhay.
Nang pilitin ng ama na umuwi sa kanilang bayan, siya’y sumunod. Subalit itinuro niya sa mga kasama sa bukid at sa mga katulong sa bahay ang kanilang karapatan. Sa galit ng ama, siya’y pinalayas at itinakwil bilang anak. Nagbalik siya sa dating pinapasukan sa Maynila at hinikayat si Tentay na pumisan sa kanya kahit di kasal, sapagkat tutol siya sa mga seremonyas at lubos na naniniwala sa malayang pag-ibig.
Si Delfin ay hindi anarkista kundi sosyalista. Hindi niya hinangad na mawala ang pamahalaan ngunit katulad ni Felipe ay tutol siya sa pagkakaipon ng kayamanan sa ilang taong nagpapasasa sa ginhawa samantalang libu-libo ang nagugutom, nagtitiis at namamatay sa karalitaan. Tutol din siya sa pagmamana ng mga anak sa kayamanan ng mga magulang. Siya’y isang mahirap na ulilang pinalaki sa isang ale (tiya). Habang nag-aaral ng abogasya ay naglilingkod siya bilang manunulat sa isang pahayagan. Kaibigan siya at kapanalig ni Felipe, bagamat hindi kasing radikal nito.
Nais ni Felipe ang maagang pagtatamo ng kanilang layunin, sukdang ito’y daanin sa marahas na paraan, samantalang ang hangad ni Delfin ay dahan-dahang pag-akay sa mga tao upang mapawi ang kamangmangan ng masa at kasakiman ng iilang mayayaman, sa pamamagitan ng gradwal na pagpapasok sa Pilipinas ng mga simulain ng sosyalismo.
Si Don Ramon ay may dalawang anak na dalaga at isang anak na lalaking may asawa na. Ang mga dalaga’y sina Talia at Meni. Si Talia ay naibigan ng isang abogado, si Madlanglayon. Ang kasal nila’y napakarangal at napakagastos, isang bagay na para kina Felipe at Delfin ay halimbawa ng kabukulan ng sistema ng lipunan na pinangyayarihan ng mayayamang walang kapararakan kung lumustay ng salapi samantalang libu-libong mamamayan ang salat na salat sa pagkain at sa iba pang pangunahing pangangailangan sa buhay.
Sa tulong ni Felipe noong ito’y nakatira sa bahay ni Don Ramon, nakilala at naibigan ni Delfin si Meni. Si Don Ramon ay tutol sa pangingibig ni Delfin sa kanyang anak; dahil ito’y maralita, at ikalawa, dahil tahasang ipinahayag nito ang kanyang pagkasosyalista sa isang pag-uusap nilang dalawa sa isang paliguan sa Antipolo. Ang pagtutol na ito ay walang nagawa. Nakapangyari ang pag-ibig hanggang sa magbinhi ang kanilang pagmamahalan.
Nang mahalata na ni Talia at ni Madlanglayon ang kalagayan ni Meni, hindi nila ito naipaglihim kay Don Ramon. Nagalit si Don Ramon; sinaktan nito si Meni at halos patayin. Sa amuki ni Madlanglayon, pumayag si Don Ramon na ipakasal si Meni kay Delfin, Subalit nagpagawa ng isang testamento na nag-iiwan ng lahat ng kayamanan sa dalawa niyang anak; si Meni ay hindi pinagmanahan.
Si Meni ay nagtiis sa buhay-maralita sa bahay na pawid na tahanan ni Delfin. Paminsan-minsan, kung mahigpit ang pangangailangan, nagbibili siya ng mga damit o nagsasangla ng kanyang mga alahas noong dalaga pa. Ito’y labis na dinaramdam at ikinahiya ni Delfin at ng kanyang ate, subalit wala naman silang maitakip sa pangangailangan.
Thursday, April 16, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment